photo credits: weheartit.com |
Sa 15 na taon ng pagiging estudyante, nagkaroon ako ng 7 uri o design ng school uniform—1 noong Kinder/Prep, 3 noong Elementary, 1 high school, at 2 ngayong college (type A, B, at meron pa plang C—for civilian…3 pala). Laging tig-3 set ang bawat isa…5 set ang type A or clinical uniform ko…lahat lahat at meron akong naging 23 na uniform…isama mo pa ang mga naging PE uniform ko…hindi ko na mabilang…
Ano nga ba ang meron sa school uniform? Bakit sa tuwing naiisip ko ang huling araw ng pagsuot ko nito ay nakakadama ako ng kakaibang lungkot? Kung tutuusin, kapirasong tela lang naman ito, at marami ka pang kaparehong design…at hindi ito pasok sa fashion statement ng mga tao. Pero bakit kakaiba sa pakiramdam mawalay dito?
Sabi nila, ang school uniform daw ay form of identity. Ito ang pagkakakilanlan ng paaralang iyong pinapasukan. Araw-araw pagpasok, ay suot-suot ko ito. Minsan na din akong na-late dahil sa hindi plantsadong uniform, at pumasok na parang hahabulin lang ng plantsa…napagalitan dahil sa “incomplete uniform” at hindi papasukin sa klase dahil sa “not in uniform”. Umulan man o umaraw school uniform ang kasabay ko sa pagpasok sa klase…may transport strike o wala…first Friday masses, third Sunday masses at sa mga misa na idinadaos sa school…school programs, recognition day, teacher’s day, valentine’s day, at sa pagkarami-rami pang pagkakataon. Suot ko ang school uniform ko sa mga masasaya at di gaano kasayang mga sandali ng pagiging estudyante ko. Ito ang suot ko nang makilala ko ang mga kaibigan ko…nang matutunan ko ang photosynthesis, solar system, Laws of Motion, pag-solve ng Algebra, Trig at Geometry problems… nang makilala ko sina Einstein, Newton, Alexander the Great, Julius Caesar, Robert Frost, Homer, Elizabeth Browning, Confucius, Jose Rizal, Apolinario Mabini, Emilio Aguinaldo, at marami pang iba. Ito rin ang suot ko nang makilala ko ang teachers na naging inspirasyon ko at hinangaan, at minsan ding naisipang gayahin. Marahil ito rin ang suot ko nang matuto akong magdasal at nang unang natutong mangarap.
Sa bawat uniform na meron ako, may kakabit itong mga alaala ng kabataan ko, mga naging pangarap, mga pinaghirapang exams, mga nadaluhang recognition day kung saan sinasabitan ako ng medalya…at napakarami pang karanasan ng pagiging estudyante. Sa bawat araw na suot ko ang mga ito, ipinagmamalaki ko ito. Nagsisilbi itong simbolo ng aking paglalakbay tungo sa pag-abot ng aking mga pangarap. Sa bawat panahong nagdadaan, kumukupas din ang mga ito—ngunit hindi ang mga hibla ng pagsusumikap, para makapagtapos ng pag-aaral, na kakabit narin nito.
photo credits: weheartit.com |