Monday, 14 March 2011

Sa Huling Pagkakataon


photo credits: weheartit.com

Sa 15 na taon ng pagiging estudyante, nagkaroon ako ng 7 uri o design ng school uniform—1 noong Kinder/Prep, 3 noong Elementary, 1 high school, at 2 ngayong college (type A, B, at meron pa plang C—for civilian…3 pala). Laging tig-3 set ang bawat isa…5 set ang type A or clinical uniform ko…lahat lahat at meron akong naging 23 na uniform…isama mo pa ang mga naging PE uniform ko…hindi ko na mabilang…

Ano nga ba ang meron sa school uniform? Bakit sa tuwing naiisip ko ang huling araw ng pagsuot ko nito ay nakakadama ako ng kakaibang lungkot? Kung tutuusin, kapirasong tela lang naman ito, at marami ka pang kaparehong design…at hindi ito pasok sa fashion statement ng mga tao. Pero bakit kakaiba sa pakiramdam mawalay dito?

Sabi nila, ang school uniform daw ay form of identity. Ito ang pagkakakilanlan ng paaralang iyong pinapasukan. Araw-araw pagpasok, ay suot-suot ko ito. Minsan na din akong na-late dahil sa hindi plantsadong uniform, at pumasok na parang hahabulin lang ng plantsa…napagalitan dahil sa “incomplete uniform” at hindi papasukin sa klase dahil sa “not in uniform”. Umulan man o umaraw school uniform ang kasabay ko sa pagpasok sa klase…may transport strike o wala…first Friday masses, third Sunday masses at sa mga misa na idinadaos sa school…school programs, recognition day, teacher’s day, valentine’s day, at sa pagkarami-rami pang pagkakataon. Suot ko ang school uniform ko sa mga masasaya at di gaano kasayang mga sandali ng pagiging estudyante ko. Ito ang suot ko nang makilala ko ang mga kaibigan ko…nang matutunan ko ang photosynthesis, solar system, Laws of Motion, pag-solve ng Algebra, Trig at Geometry problems… nang makilala ko sina Einstein, Newton, Alexander the Great, Julius Caesar, Robert Frost, Homer, Elizabeth Browning, Confucius, Jose Rizal, Apolinario Mabini, Emilio Aguinaldo, at marami pang iba. Ito rin ang suot ko nang makilala ko ang teachers na naging inspirasyon ko at hinangaan, at minsan ding naisipang gayahin. Marahil ito rin ang suot ko nang matuto akong magdasal at nang unang natutong mangarap.

Sa bawat uniform na meron ako, may kakabit itong mga alaala ng kabataan ko, mga naging pangarap, mga pinaghirapang exams, mga nadaluhang recognition day kung saan sinasabitan ako ng medalya…at napakarami pang karanasan ng pagiging estudyante. Sa bawat araw na suot ko ang mga ito, ipinagmamalaki ko ito. Nagsisilbi itong simbolo ng aking paglalakbay tungo sa pag-abot ng aking mga pangarap. Sa bawat panahong nagdadaan, kumukupas din ang mga ito—ngunit hindi ang mga hibla ng pagsusumikap, para makapagtapos ng pag-aaral, na kakabit narin nito.

photo credits: weheartit.com
Ang aking school uniforms ay bahagi na rin ng aking pagkatao. Kakabit nito ang naging buhay ko sa loob ng mga paaralang minsan ko ding naging tahanan. Maaaring bukas na ang maging huling araw ng pagsuot ko ng aking school uniform. Sa March 30, 2011, sa wakas ay ga-graduate na ako, huling araw na ng pagiging estudyante ko.  Magiging panatag na ang mga magulang ko, dahil alam nila na kahit saan man ako magpunta, may natapos na ako. Sa susunod na linggo, itatago ko na ang mga naging school uniform ko, ngunit hindi ang mga aral na natutunan ko sa loob ng 15 taon na suot ko ito. Maswerte ako dahil nakapag-aral ako…maswerte ako dahil magagandang uniform ang isinuot ko…at ang mga ito ang habambuhay kong ipagpapasalamat at magiging simbolo ng pagtuklas ko ng karunungan, at ng halaga ng mga pangarap sa ating buhay. At sa lahat ng naging school uniform ko, SALAMAT at sinamahan niyo ako….



No comments:

Post a Comment